Editoryal: Where Journalists are Slain and Killers Go Free
Marso 26, 2009

Namamalagi ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming hindi nalulutas na mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag ayon sa US-based na Committee to Protect Journalist o CPJ.

Batay sa updated impunity index ng CPJ na inilabas noong March 23, ang Pilipinas , tulad sa nakaraang taon, ay nananatiling pang-anim sa labing apat na bansa kung saan pinapatay ang mga mamamahayag at nakalalaya ang mga pumapatay.

Sinabi ng CPJ, isang Indipendiyente at non-profit organization na naka-base sa New York,na ang Pilipinas ay mayroong hindi bababa sa dalawampu’t apat na kaso ng pagpatay sa mamamahayag ang hindi pa rin nalulutas sa nakaraang sampung taon.

Ayon sa CPJ, ang talamak na kawalan ng hustisya ay nagigning dahilan ng paulit-ulit na pag-atake sa mga journalist na may pinag-ibayong record noong  2008. Tinukoy ng CPJ ang mga kaso ng pagpatay kina Radio Journalists Martin Roxas at Dennis Cuesta na pinatay sa iisang linggo noong Agosto.

Ang ulat ng CPJ ay inilabas sa Maynila bilang paggunita sa ika-apat na Death Anniversary ni Marlene Garcia-Esperat, isang Filipina columnist na binaril at napatay noong March 25, 2004 sa kanyang bahay sa Sultan Kudarat.

Binatikos din ng CPJ ang mga lokal na korte sa bansa dahil wala raw bisa ang mga ito sa paglilitis sa mga kaso ng pagpatay sa mga journalist lalo na kapag ang mga sangkot ay makapangyarihang mga tao.

Ayon sa CPJ, ang mga saksi ay tinatakot, ina-atake at pinapatay habang nililitis ang mga kaso. Natatakot at nawawalan na rin ng gana ang mga local judges na ipagpatuloy ang mga kasong kinasasangkutan ng mga mai-ipluwensyang indibidwal.

Nanawagan ang CPJ sa gobyerno ng Pilipinas na gawin ang mga kinakailangan hakbang upang maparusahan ang mga may sala. Magtalaga ng sapat na bilang ng mga taga-usig at imbestigador sa mga kaso, dalhin ang paglilitis sa ligtas at patas na venues, protektahan ang mga saksi  at maglaan ang gobyerno ng malakas na suporta sa lahat ng mga nabanggit na pagsisikap.

Samantala, nangunguna pa rin ang Iraq sa listahan ng mga bansang may pinakamaraming kaso ng pagpatay sa mga journalist. Pumapangalawa ang Sierra Leone, pangatlo ang Somalia, pang-apat ang Sri Lanka, panglima ang Columbia, pang-anim ang Pilipinas, pang-pito ang Afghanistan, pang walo ang Nepal, pang-siyam ang Russia, pang sampu ang Pakistan, Pang labing isa ang Mexico, pang labingdalawa ang Bangladesh, pang labing tatlo ang Brazil at pang labing apat ang India.

Sinabi naman ni Executive Secretary Eduardo Ermita na "unfair" ang  impunity index ng Committee to Protect Journalists’ o CPJ na nagpapakitang nananatili sa ika-anim na pwesto ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming hindi nalulutas na kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag.

Ayon kay Ermita , hindi patas ang naging paglalarawan ng CPJ sa mga nangyayari sa bansa dahil hindi umano sapat ang pinagbatayan ng kanilang impunity index.

Sinabi ng Kalihim na nag-focus lang ang CPJ sa kabuuang bilang ng mga media killings sa nakaraang sampung taon . Ang dapat aniyang inalam ng organisasyon ay kung malimit ba ang pagpatay at kung ano ang ginagawa ng gobyerno para masolusyunan ang mga kaso.

Idinagdag ng kalihim na tatlumput isang kaso ng work related  na pagpatay sa mga mamamahayag ang naitala ng Task Force USIG mula noong 2001 at dalawamput anim na kaso aniya ang naisampa laban sa mga suspects.

Tinawag naman ni Press Secretary Cerge Remonde na eksaherasyon ang Impunity index.

Subalit eksaherasyon man o hindi, nananatili pa rin ang katotohanang hanggang ngayon ay wala pang nahahatulang mga salarin sa mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag at tila nawawalan ng saysay ang kanilang kamatayan na ang kalimitang dahilan ay upang isiwalat ang mga katiwalian sa lipunan.